Sa panahon ngayon napapansin ko lang na masyadong nabibigyan ng pokus ng mga kabataan ang pagkakaroon ng relasyon. Parang laging sinasabi ng lipunan na kailangan ay mayroon tayong kasintahan. Napepressure tayo ng ating mga magulang (bagamat minsan ay pinaghihigpitan din ang mga anak ngunit madalas ay mas lalong nauudyok pa sila na magkaroon ng kasintahan), mga kaibigan, mga imposibleng mangyari na kwentong pag-ibig mula sa mga nobela, pelikula, teleserye, magasin at marami pang iba! Tila pinipilit nilang isaksak sa utak natin na ang pagkakaroon ng relasyon ay sukatan ng ating pagkatao. Ngunit bakit? Bakit naman nila ipipilit ‘yon sa atin? Meron akong ilang teorya para dyan…
#1: Ang pagkakaroon ng kasintahan ay isang paraan para maramdaman mo na ikaw ay “secure”. Para lagi kang may kasama masama man o maganda ang sitwasyon, umaaraw o bumabagyo, trapik man o maluwag ang daan, may bibilin ka o gusto mo lang tumambay. Para ikaw ay may kausap kapag ikaw ay maglalabas ng iyong saloobin dahil masyadong cliché ang kausapin ang iyong sarili, mga magulang, mga malalapit na kaibigan o ang panginoon at malamang ay hindi sila makikinig sa kung ano man ang iyong nais sabihin.
#2: Kapag wala kang kasintahan, ikaw ay pangit maging pisikal man ito na kaanyuan o ang iyong ugali. “Maganda/ Gwapo ka” natural lang na sabihin sa iyo yan ng iyong magulang, depende na lang kung talagang aminado sila na pangit ang kanilang genes. Ngunit hindi pa rin ito sapat para sa iyong sarili. Kadalasan ang paniniwala ng nakararami ay nakakadagdag ng “pogi/ganda points” ang pagkakaroon ng 23782645366 na kasintahan. Mali ang paniniwalang ito, para sa akin, nakakabawas ito ng puntos (kung ano mang klaseng puntos iyon). Sabihin na lang natin na ganito; “Unlike a doorknob where everybody gets a turn, I am more of a casino where only the lucky ones hit the jackpot.”
#3: Isang patunay sa buong sanlibutan na ikaw ay may silbing nilalang kapag ikaw ay may kasintahan. Sa edad na 17 kapag sinasabi ko na hindi pa ako nagkakaroon ng boyfriend, karamihan ay nagugulat at tila may halong dismaya at malamang ay naiisip nila na ako ay isang lesbian o wirdo. Parang gusto nilang iparating na ako ay walang kwenta at huwag nang umasang makakatulong pa sa bayan. Wala pa naman akong nababalitaan na kasama na sa résumé ang bilang ng iyong naging kasintahan.
“Sabi dito ikaw ay nagkaroon na ng 20 na boyfriends at 3 ex husbands?”
“Yes mam I have, 23 relationships in 3 years.”
“Ikinalulungkot ko ngunit overqualified ka na sa posisyon ng sekretarya. Pero pasado ka sa posisyon ng manedyer.”
Susmaryosep.
#4: Makakapagpasaya ang pagkakaroon ng kasintahan. Masaya naman talaga ito; may kalambingan lagi, nagkakaroon ka ng inspirasyon, may ka-date ka tuwing valentines, mag-iiba na ang iyong status sa facebook, may karapatan ka nang mang-inggit ng inyong matamis na pagmamahalan sa mga taong walang karelasyon, laging may nagpaparamdam na may nagmamahal at may nakakaalala sa iyo. Ngunit hindi naman lahat ng relasyon ay tulad ng ganyan. Marami ang naaapektuhan ang kani-kanilang buhay sa bawat pagpasok nila sa isang relasyon. Mas pinagtutuunan na ito ng pansin at ang masama, nakakalimutan nang alagaan ang sarili. Kaya marami ngayon ang sumasabak sa mga relasyon para lang masabing may kasintahan kahit wala naman talagang pagmamahalan o kung meron man, nakabase lamang ito sa mababaw na kadahilanan.
Hindi ko intensyong saktan ang damdamin ng mga masusugid na naghahanap ng kasintahan. Hindi ko rin naman sinasabi na masama ang magkaroon ng minamahal, sa katotohanan ay natural lang na mangyari ito. Ang sa akin lang, huwag naman natin ito masyadong pagtuunan ng pansin na umaabot pa sa punto na ito ay nagiging hobby na. Marami pa tayong pwedeng gawin bilang mga kabataan, i-enjoy lang natin ito wag masyadong seryoso.