Tuesday, December 13, 2011

Effort.

nung isang araw, habang paalis kami sa college namin, may nakita kaming sasakyan na may tarpaulin na nagsasabing;

         "insert girl's name here, will you be my girlfriend?"  


marami sa college namin (karamihan ay babae) ang nakakita at kinilig. yung dalawang lalaking kasama ko nakornihan. tapos tinanong ako kung bakit daw gusto ng babae ang ganun. e ang corny nga daw.

(galing sa facebook)


nakakakilig kasi talaga yung ganun. out of a movie ang datingan e. tsaka malaking gesture kasi ang ginagawa ng lalaki sa oras na yun. syempre iniinform nya yung friends ng mga babae, pinaghahandaan ang mga materials, pinag-iipunan ng pera, at bumubuo ng matinding lakas ng loob. willing siyang mapahiya kung sakaling tatanggihan siya ng babae. willing siyang magpakakorni.  lalo na't sa isang pampublikong lugar niya gagawin ang lahat.
EFFORT. yun lang yon.
ibig sabihin, ay ganun na lang kahalaga ang babaeng mahal nya para sa kanya.
malaki ang chance na mapa-oo yung girlet. baka ma-ihi pa sa panty sa sobrang kilig. haha!

pero syempre dapat sigurado yung lalake na gusto sya nung babae. dahil ang sakit nun kapag dineny sya.
punitttt

Saturday, November 12, 2011

Second Year, Second Sem.

kasisimula pa lang ng unang linggo ng ikalawang semester at masasabi ko na agad na magiging mahirap at challenging ang semester na ito. ang pangunahing rason kung bakit ay dahil sa mga propesor. nakakatakot ang karamihan. 

"Kapag hindi ka nag-aral, wag ka na lang pumasok" ang palaging linya.

araw-araw recitation. dadagdagan pa yan ng mga pasakit na takdang-aralin at kung ano-anong dapat basahin. nakakabigla dahil nasanay ako sa petiks lang na pag-aaral dahil ganoon ang nangyari noong unang sem (kadalasan ay wala ang mga propesor, may mga kaganapan kaya nasususpend ang klase, bagyo, at kung ano-ano pang shit). i can feel the pressure.

pero siguro it's for the better. tinatakot talaga kami para mag-aral. estratehiya na lang siguro yon ng mga propesor at masasabi kong epektibo naman ito. on a lighter note, buti na lang at maganda ang schedule. maaga ang uwi. may oras para mag-aral at mag-dasal.

"hoping for the better and expecting the worst"


Friday, November 4, 2011

London Lime

dahil nga kaming magtotropa ay may pagka-adventurous (hehe). kami ay sumubok ng panibagong inumin. nakita lang namin iyon sa aming suking tindahan kaya't minabuti naming subukan.

London Gin at Jamaica Lime na naka-pack. sa halagang 115 pesos kung hindi ako nagkakamali. bumili na rin kami ng pulutan. barbeque, pancit canton, chicharon ni mang juan, atbp. lahat maanghang ang flavor para matipid sa pagkain. hahaha.

at ayon na nga. pinaghalo namin ang dalawa sa isang astig na paraan..


hindi ko rin alam kung pano yan nagawa ng tropa namin at kung bakit. kasi kung mas tutuusin mas madaling haluin na lang sa pitsel ang dalawa pero mas nahahalo yata ang dalawa ng mas mabuti sa ganyang paraan. at mas nakakaelibs din. nang matapos ang paghalo, hindi na namin alam kung pano namin tatanggalin ang boteng nasa ibabaw. pero dahil nga magaling kami, nagawa naman namin.
heto ang video: http://www.facebook.com/video/video.php?v=2394953225952
ako nga pala yung sumisigaw ng "SAYANG GUYS!" hahaha

pagkatapos ay nilagay na nga namin sa pitsel ang alak. medyo fail pa nga ang lasa dahil parang masyadong matapang ang lasa ng gin kaya't hinaluan din ito ng konting asukal. pero wala rin naman itong masyadong epekto. kaya umasa na lang kami sa kapangyarihan ng yelo!

bago nga pala kami nagsimula ay binigyan kami ng Blow Job. yung inumin. baka kasi iba yung naisip mo e! hahaha. ang kuya kasi ng isang tropa namin ay nag-aaral yata maging bartender kaya't binigyan nya kami.

umaapoy yan. hindi lang nakita sa camera. masarap naman.
tapos ay nag-set-up na kami sa labas at uminom. habang umiinom pa nga ay nagtatakutan kami. kasi may nilalang na pumunta sa puno ng balimbing na malapit sa amin. maya't-maya ay may balimbing na nahuhulog kaya nagugulat ako. kanya-kanyang kuha ng sandata. just in case lumapit yung creature. pero ilang sandali ang nakalipas at may nakita akong daga na dumaan sa kable ng kuryente. siya pala yung creature. at ayon tuloy pa rin ang inuman.

bago kami umuwi ay nag-star gazing muna kami. nang nakatayo. ang sakit nga sa leeg pero kinaya namin dahil sa ganda ng mga bituin sa langit. nakauwi kami ng bandang 4 am. walang hangover kinabukasan.
good times...

Thursday, November 3, 2011

Undas

      hindi tulad ng karamihan, hindi kami nagpupunta sa sementeryo kapag Undas. minsan lang. madalas ay nagsisindi lang kami ng kandila, naghahain ng konting pagkain at konting dasal. ngayong taon ganun din ang ginawa namin. ang naiiba lang siguro na nangyari ay nagkaroon kami ng halloween party

      oo halloween party. trip-trip lang naming magkakaibigan. biglaan pa nga e kaya hindi kami nakapag-prepare ng mas maayos na costume. kaya konti lang din kami. syempre may inuman at food trip na invovled. GSM na may halong strawberry juice at kung ano-anong pagkain na pwedeng mabili sa tindahan. at ayun nga.. nag party party na kami..pero tahimik lang kasi baka makabulabog. hehe..


at syempre nakijoin si Mimi sa saya!


        tinakot pa nga ako ni mama bago magsimula e. sabi nya kasama raw naming magpaparty ang mga kaluluwa dahil nga araw nila yon. edi masaya! the more the many-er! hahaha. next year papabonggahin na talaga namin. 
         ikaw, anong kwentong Undas mo?

Thursday, October 27, 2011

Palawan Drink Recipe

   noong nakaraan na kami ay nag-inuman, ang aking mga katropa ay nagsuggest ng bagong maiinom. Palawan daw ang tawag. pero hindi ko sure kung tama dahil walang lumabas sa aking mga naresearch tungkol sa mahiwagang drink na iyon. ang lumabas lang na similar ay ang "Camel". parehas na parehas ang timpla. kaya't ako ay medyo naguluhan kung ano ba talaga ang tunay na pangalan nito. pero tawagin na lang nating Palawan dahil iyon na rin ang title ng post na ito.
   
   at eto na nga ang recipe..

Mga Kakailanganin:
  • 1 bote ng San Miguel Gin. (Gin Bulag o kaya Bilog in tindahan terms)
  • 1 litro pack ng Melon Juice. 
  • 1 pack ng 3 in 1 Coffee Mix (kahit anong brand. basta 3 in 1)
  • tubig
  • yelo

Pamamaraan:

  1. itimpla ang melon juice sa isang pitsel ng tubig. tantsahin ang lasa, hindi dapat matabang o strong ang lasa ng juice. tama lang.
  2. ihalo ang kalahating bote ng gin sa tinitimplang juice
  3. itimpla ang kape sa kalahating gin na natira sa bote. oo sa bote mismo ititimpla ang kape. para less hugasin na rin. 
  4. eto ang tricky part. dahan-dahang ibuhos ang timpladong kape at gin sa juice. pagkatapos na pagkatapos maubos ng kape ay sindihan ng lighter ang rim ng bote. at pag pumasok ang apoy sa bote, itutok ito sa juice. ang dapat na mangyayari ay mahihigop ng bote ang juice at magkakaroon ng kaunting bubbles. para saan ito? kung ikaw ay umiinom baka pamilyar ka sa gawain na bago inumin ang alak, magtatapon ka muna ng kaunti nito. espirito, demonyo, something alay, etc. at doon na nga pumapasok ang apoy effect sa loob ng bote.
  5. iserve ng may yelo.

   ito ay garantisadong masarap! at hindi nakakalasing. depende na lang kung nakarami ka talaga.
   dali, ayain na ang barkada at bumili ka na sa may tindahan sa kanto! 

Wednesday, October 19, 2011

Seven Deadly Sins Photoshoot

     noong nakaraang buwan ay nagmodel ako sa isang photoshoot para sa close friend kong si Maxine. para iyon sa kanilang finals. hindi ako isang propesyonal na model. palagi lang akong nanonood ng America's Next Top Model at tumitingin sa mga fashion blogs sa Tumblr. amateur ako. yun ang totoo. wala akong formal training  . pero oo, ako ay isang aspiring model.
     isang grupo silang nag-shoot sa akin. ang tema ay Seven Deadly Sins. tela lang ang damit ko dahil may kaugnayan raw dapat sa tempations. at dahil na rin siguro sa mababang budget. sa bahay sa may Bulacan lang ang venue.
     at eto na nga ang mga litrato na kinunan ni Maxine.


Greed


Pride


Sloth


Envy


Gluttony


Lust

          hindi ko na sinama ang Anger/Wrath dahil napogi-an ako masyado sa aking sarili. hahaha. low quality ang ilan dahil sa bad lighting. ako nga pala ang nag-edit. echos ko lang. 
          naging masaya naman ang aking karanasan sa photoshoot na iyon. mababait ang mga photographer at mahaba ang pasensya. nakakapagod pero worth it naman. dagdag eks-pi. haha

          umpisa pa lang ito ng aking Model Diaries. abangan ang susunod na kwento!

Sunday, October 9, 2011

"Kaya ka biniyayaan ng kagandahan, para ingatan mo, hindi para manlait ng ibang tao"

bakit nga ba tayo nanlalait ng ibang tao?

mas pinipili nating tingnan ang mga bagay na hindi maganda sa kanila. siguro isang sign iyon ng insecurity o kaya ay inggit. nilalait ang isa para gumaan ang loob tungkol sa kakulangan sa sarili. siguro likas na talaga sa atin ang mamintas. maging ako man ay ganon. 

"ang ganda nya pero ganito..gwapo sana kaso ano.. "

ang tindi lang kapag ang nanlait ay hindi rin naman kagwapuhan o kagandahan. at kung ang mga panlalait pa ay genuine. walang halong biro kung baga. yung tipong ang objective ay para manakit na. kung sa biro nga natatamaan ka na, pano pa kaya kung seryoso talaga. 

hindi naman ako nagmamalinis. ako rin ay namimintas at nanlalait. aaminin ko, nakakatuwa sya lalo na pag kasama pa ang tropa. pero as much as possible, pinipigilan ko ang sarili ko. sa isip ko na lang sinasabi. dahil kung i-vovoice out ko pa. wala rin namang mangyayari. hindi naman mag-eenhance ang qualities ng taong nilait ko. at tsaka, hindi rin naman ako perpekto. ano ba naman ang karapatan kong manghusga ng iba. lalo na pag hindi ko sila kilala.

ang moral lesson: tumingin ka muna ng maigi sa salamin. wag masyadong mabilis sa panghuhusga, panlalait, o pamimintas sa kapwa. dahil kung ikaw ang pinaulanan ng masasakit na salita, baka ikaw rin ang manghina. 

a friendly reminder from Jill :D

Saturday, October 8, 2011

Semestral Break

          habang kami ay nagchichill at nagrerelax na, ang iba pang mga unibersidad ay magfafinals pa lang. iba talaga ang UST. haha. isang buwan mahigit ang break namin. ang saya ko lang naman. 

          masasabi kong ang unang sem ng second year college life ko ay naging mahirap at nakakapagod pero parang walang nangyari. wala akong masyadong natutunan. palibasa kasi andaming araw na wala kaming pasok. bihira lang ang isang linggo na kumpleto ang pasok dahil nga sa mga suspension, holiday at ibang kaganapan sa aming kolehiyo. bukod doon, ang iba rin naming mga propesor ay hindi rin pumapasok. hindi naman dahil sa trip lang nila (i hope not) pero dahil sa prior commitments. nakakastress pa rin dahil sa daming pinagagawa sa amin. mga reports, projects, eklavarva. 

           pero tapos na ang lahat ng mga yan at wala na akong pakialam. wala namang mangyayari kung patuloy ko pa itong babalikan. kung baga, next chapter naman. hehe.

           hindi ko alam kung ano ang mangyayari ngayong sembreak namin. basta ang promise ko sa sarili ko ay susulitin ko ito. kaya ang una kong gagawin ay....
           maglinis ng kwarto. hahaha


           

Friday, September 30, 2011

Cebu-Bohol Experience Part 3

Day 3
      Ito na ang huling araw ng aming tour. hindi na rin ako nakapag-almusal dahil sa pag-eempake. ang kalat ko kasi. hehe. nagpunta kami agad sa daungan pabalik ng Cebu. sa ferry, pinalabas ang The Notebook. kahit hindi marinig ang sounds, pinipilit ko pa rin itong panoorin dahil hindi ko pa ito napapanood. e base sa mga review. epic daw ang movie na iyon. pero hindi ko rin natapos at nakatulog ako sa ibang parts. haha.
      pagkadating ng Cebu, dumiretso agad kami sa Pino Restaurant para kumain ng tanghalian. gaya ng iba naming kinainan, ang inakala naming lahat ay magiging isang typical na restaurant lang ito. pero mali kami. parang hotel ang loob. ang ganda. at ang pagkain, talaga naman sobrang sarap. ang pinakamasarap na meal na kinain namin sa buong tour. buti na lang pala at hindi ako kumain ng almusal dahil nasulit ko ang punta doon. wala munang diet e. hehe. at pati ang restroom ay maganda. may couch sa loob. sosyal! pagkatapos kumain ay nagkantahan pa ang klase namin dahil may isang marunong mag piano. jamming! pagkatapos ay nagpunta kami agad sa mga bilihan ng pasalubong. isang kahon lang naman ng danggit at pusit ang binili ko. syempre hindi mawawala ang dried mangoes.

       pinuntahan din namin ang Magellan's Cross. may mga matatanda doon na nagbebenta ng mga iba't-ibang kulay ng kandila. bumili naman ako. tapos bigla syang nagdasal. parang dinadasalan yung kandila o parang sya yung nagdasal para sa akin. nakakatuwa. nagpunta rin kami sa isa nanamang simbahan at nagdasal doon at muling nagtirik ng mga kandila.



       kami ay dumaan sa uptown at downtown Cebu. at ang masasabi ko lang, parang Manila na talaga. ang dowtown Cebu ay parang recto lang. pero mas malinis. developed na talaga.
       para sa hapunan, pumunta kami sa Be Hotel. maganda ang interior. modern at cool ang design. pero ang pagkain ay may pagka-fail. bukod sa hindi sya masarap, kakaunti pa ang serving. siguro dahil sa kami ang nahuling dumating, pero buffet iyon. dapat hindi nauubusan. buti na lang ay marami akong nakain nung tanghalian. sinabi na rin ang mga panalo sa pageant. maraming napanalunan ang partner ko. ako naman ay wala. pero no hard feelings syempre. masaya ako para sa mga nanalo. Congrats!
        pagkatapos ay nagpunta kami agad sa airport. talaga namang 22 kilos ang luggage ko dahil sa mga pasalubong at gitara. pero hindi ako nag-excess. ewan ko ba. hehe.doon na rin ako nakabili ng shot glass. buti na lang meron. yehey! sabi nung una delay daw ang flight namin, pero hindi naman. tapos ang mga may ticket number na bla bla and so on ay wag muna raw sumakay. kasama ako doon. pero biglang pinasakay kami ulit. nakakagulat kasi sa business class kami pinasakay. iilan lang kami. at sa section lang namin may nakasakay sa business class. like a boss! feeling sosyal kaming lahat. kung ano-ano ang pinipindot at nanood ng tv na nakalagay sa bawat isang upuan namin. nakakwentuhan rin namin ang isang flight attendant. si Kuya Jack na thomasian rin. bagay nga kami e. Jack and Jill. echos lang!
         hatinggabi na kami nakarating sa UST. nakaabang ang aking nanay at umuwi sa bahay. andami kong kinuwento sa kanya kahit pagod ako. at kinabukasan ay nagpasya akong hindi pumasok. jetlag.


ang saya talagang mag-lakbay. sana balang araw, malibot ko rin ang buong Pilipinas.
       

Tuesday, September 27, 2011

Cebu-Bohol Experience Part 2

Day 2
      sa pangalawang araw ng aming tour. kami ay naglakbay sa buong isla ng Panglao, Bohol.
ang una naming pinuntahan ay ang Tarsier Sanctuary. ang kyut pala talaga ng mg Tarsier. kasing laki lang sila ng clenched fist. mahaba ang buntot at malaki ang mga mata. ang fluffy pa! kaya siguro ipinagbawal na hawakan sila dahil nga sa kakyutan e nanggigigil siguro sa kanila ang mga turista. o worse, ibinubulsipinupuslit. sensitibo pa naman sila. 

ang sunod ay ang tree planting. medyo nakakapagod. at medyo life and death sa pagtatanim dahil matarik ang lugar. yung tipong isang maling galaw lang ay "goodbye Phlippines!" ka na. pero natuwa ako dahil sa pagkakataon na makatulong sa kalikasan. green minded pa naman ako.
este...green as in kalikasan... eco-friendly na nga lang! haha. sana pagkatapos ng ilang taon ay makabalik ako doon para makita ko ang progress ng aking puno. Almond nga pala ang ipinangalan ko sa aking puno. hehe.
ang sunod ay ang aming tanhalian sa Loboc River Restaurant Cruise. bukod sa masarap na pagkain at mahusay na pagharana. ang ganda pa ng view mula sa aming bangka. talagang nakakarelax. ang sarap ng feeling. at meron pang mga area doon na may grupo ng mga taong nag-jajamming. mga naggigitara at sumasayaw ng folk dance. nakakaaliw talaga.

pagkatapos ay nagpunta na kami sa Chocolate Hills. umakyat kami sa isang buron doon para sa mas magandang view ng paligid. at gumamit pa kami ng stairs dahil kami ay athletic! haha. pero nakakatuwa dahil worth it naman ang pagod pag nakarating ka na sa itaas sapagkat napakaganda talaga ng view doon. kitang kita mo ang mga tsokolateng burol. pero hindi sila masyadong kulay tsokolate pagpunta namin. ayos lang. maganda pa rin. at sa tuktok ay mayroon pang wishing well kung saan syempre ako ay nag-itsa ng limang piso. oo limang piso dahil yun lang ang variables sa aking bulsa ng mga oras na yon.


sunod ay nagpunta kami sa Baclayon Church. maganda rin doon. historical ang datingan. iba ang nafeel namin sa museo doon. parang nakakatakot na ewan. creepy. pero ayos lang. maganda ang mismong simbahan. nagdasal kami ng ilang minuto at nagpicturan agad! haha. sa labas ay may tirikan ng kandilang dekolor. may iba't-ibang kulay para sa iba't-ibang aspeto ng buhay. love, career, studies etc. nagsindi ako ng tatlo pero hindi ko na matandaan kung tungkol saan ang bawat kulay. hahaha.  pagkatapos ay pumunta kami sa isang lugar na malapit lang doon kung saan namili kami ng mga pasalubong. andami kong nabili. umabot sa 400+ ang aking nagastos. peanut kisses at calamay! yammy! sunod ay nagpunta kami sa may Blood Compact site. pero kami ng aking kaibigan ay hindi na nagpakuha ng litrato doon sapagkat dumiretso kami sa souvenir shop upang bumili ng mga pasalubong na t-shirt at maghanap ng shot glass. oo shot glass. ako kasi ay nag-umpisang mangolekta ng shot glass. pero sa kasamaang palad, out of stock sa tindahan. kaya puro kamiseta na lang ang nabili ko. 15 mins. lang siguro ang itinagal namin doon dahil may hinahabol kaming oras para sa hapunan.

ang pinakahuling destinasyon sa araw na iyon ay ang Our Lady of Assumption Shrine Parish. nagdasal kami ng panandalian at dumaan sa may souvenir shop.naghahanap ulit ng shot glass. pero wala pa rin dahil nga simbahan iyon. haha. mayroon din doong binebentang holy water. kaya ko nasabing binebenta ay dahil hindi ka bibigyan ng isang bote ng holy water hanggat hindi ka nagbibigay ng sampung piso. samantalang "donation" ang nakasulat sa sign board doon. pero kumuha ako ng dalawa sa halagang bente pesos. hindi ko alam kung para saan ko gagamitin ang holy water na iyon. pero siguro, lahat may rason. haha. sa may bakuran doon, nakaset-up ang isang buffet. kaunti lang ang kinain ko at ang aking mga kaibigan dahil busog pa kami. at bago umalis ay nagkuhan ng litrato ang buong seksyon namin.

pagkatapos ay nagtungo na kami pabalik sa resort. at nagplanong magswimming. dali-dali ang mga taong magpalit ng pampaligo. excited lang a swimming pool e. kaya habang kami ay nag-aayos sa aming kwarto, nakarinig kami ng basag. malakas. ang unang akala ko ay baka vase ang nabasag kaso hindi. yung glass pala na pintuan yung parang pintuan sa SM kaso mas makapal. lahat ng taong nakarinig, mga kapwa istudyante at mga personnel ng resort ang nakiusisa sa mga kaganapan. kaya siguro naging mas memorable ang araw na iyon. hindi ko na ikukwento pa ang mga nangyari sa basagan dahil mas hahaba ang kwento.

sa huli ay nag bath tub party kaming mga roommates. dahil sosyal kami. pero sa katunayan ay hindi kami nagkasya. naglublob lang kami ng aming paa. pero kahit na. may bath tub pa rin kami. haha!

abangan ang mga huling kaganapan sa Part 3! 




Wednesday, September 21, 2011

Cebu-Bohol Experience Part 1

nung nakaraang linggo, 3:00 ng umaga, kaming lahat ay nagkaroon ng assembly sa UST at nagtungo sa NAIA para sa aming Cebu-Bohol Tour. bangag pa nga ako e dahil wala pa akong matinong tulog. mula 7 am ay gising na ako. hindi naman ako excited.

Day 1
      medyo may kapangitan ang karanasan ko sa eroplano habang nag-lalanding ito. sumakit ng bongga ang mga tenga ko at kahit may nginunguya na kami ay wala pa rin itong bisa. pamatay lang e!


       pagkadating namin sa Cebu ay nagtungo kami agad sa Sinugba Restaurant upang mag-almusal. pagkatapos ay nagpunta na kami sa Radisson Blu upang umattend ng seminar. lahat kami ay inantok at ang karamihan sa aking mga kasama ay nakatulog sa table. hindi naman sa boring ang seminar, pagod lang talaga kami. pagkatapos ng seminar ay lumibot kami sa hotel. maganda ang Radisson Blu. susyal ang mga facilities. pang-5 star ang quality. pero the least is what i can say about the food. hindi kami nasatisfy sa lasa nya. andami tuloy tirang pagkain sa aming plato. sinabi rin iyon ng manager ng travel agency, si Sir Kiel, na hindi talaga ganon kasarap ang pagkain lalo na pag hotel food. at wag raw kaming mag-alala dahil pag dating namin sa bohol ay kakain ulit kami. yung masarap na.



       pagkatapos ng lunch ay nagpunta agad kami sa pier upang sumakay ng Super Cat patungong Bohol. habang nakasakay ay nakatulog kaming lahat pero sandali lang. at sawakas ay nakarating na kami ng Bohol. dimiretso kami sa Bohol Bee Farm upang kumain ng merienda na organic. may salad na gawa sa bulaklak at ang mga dressing at spread ay gawa sa iba't-ibang gulay na tanim nila doon. nagtitinda pa nga sila ng Ginger ice cream pero hindi ko na natikman. ayon sa mga kaklase ko ang anghang daw.pagkatapos ay bumili na kami ng iba't-ibang products nila tulad ng mga honey, tinapay, at kung anong mga anik-anik.


        nagtungo na kami sa Hotel na aming tutuluyan, ang Alona Kew sa may isla ng Panglao. at bago pa kami nag-check-in ay umattend muna kami ng isang seminar kung saan ang may-ari ang speaker. isang Tomasino. pagkatapos ay agad kaming dumiretso sa aming kwarto (na may bathtub!) at nagbihis at nag-prepare para sa dinner at pageant night/class presentation night. ako kasi ang isinaling contestant ng aming klase. labag sa aking kalooban. hindi na nga ako nakapag-dinner dahil sa pag-bebrainstorm ng mga sagot sa Q&A sa dinner lang kasi binigay sa amin ang mga tanong :|
         para sa akin, fail ang talent ko. dahil wala naman talaga akong talent. marunong akong mag-gitara pero hindi ako magaling. at paos pa ang boses ko dahil sa ubo at sipon. kaya ayun. hindi na ako umasang mananalo. pero masaya pa rin ako dahil sa mga bago kong kaibigan. ang aking mga fellow contestants.
       

         pagkatapos ng lahat kami ay tumungo na sa aming mga kwarto. sabi ng partner ko na contestant, si Mico, pumunta raw kami kena Sir Kiel at magpapakain daw sya dahil nga sa hindi kami nakakain ng dinner. dinala namin ang lahat ng pagkain sa kwarto nina Mico at nagsalu-salo ang buong section namin. hahaha. pero natapos din agad dahil sa aming propesor na nagchecheck ng rooms.


           paunang tikim pa lang ang unang araw ng Cebu at Bohol pero marami na ang kaganapan. itutuloy ko ang kwento sa Part 2!

Thursday, September 15, 2011

9 O'clock

kaninag umaga, kami ay nag-recollection. pagkatapos noon kami ay nag-misa.
nakakatuwa ang kwento ni Father Roi tungkol sa kanyang kapatid..

"nagkwekwentuhan kami ng kapatid kong si Greg isang gabi at nang nakita nya yung oras. pinahinto niya ako sa pagkukwento tapos bigla siyang nag-pause for a moment of silence. ang sabi nya, ang usapan raw nila ng girlfriend nya, tuwing 9 ng gabi, kahit nasaan man sila, hihinto sila at magpepray for each other. they give time for each other pa rin kahit magkahiwalay sila. kung baga, titigil talaga ang mundo para sa minamahal"


ong sweet long nomon! hahaha
naikwento pa ni father na sa isang relasyon raw, tatlo ang involved. si lalake, si babae at si God. bakit hindi natin subukan? wala naman raw mawawala.

so ang Homily ay tungkol sa oras. oras para sa Diyos na dapat nating ilaan bawat araw na kahit isang minuto lang. medyo natamaan pa nga ako kasi bago pa mag-misa nag-confession muna kami at nasermonan ako ng pari dahil dapat may proper time management daw ako. lalo na't travel management ang kurso ko, importante talaga ang oras. yes father.


napaka-timely ng recollection namin.(timely. get it get it? hehe) sobrang stressful kasi ng linggong ito dahil sa pag-peprepare sa aming domestic tour. at dahil nga sa reco, itinigil muna ang lahat. hinga. kausapin si Lord at mag-chill ng pansamantala. nakakagaan ng loob.


"give your time to God and he will give you eternity"

Tuesday, August 30, 2011

Hindi lahat ng pagkakataon..

 pag sinabing “ok lang”

ay okay nga lang. dahil kung minsan ang ibig sabihin din nito ay:

“MAY MAGAGAWA BA AKO? WALA NAMAN DI BA?”

Saturday, August 27, 2011

Gusto ko pang Pumayat

          ang current weight ko ay  47 kilos o 105 pounds at ako ay may height na 5'2". ang gusto kong maging timbang ay maging 100 pounds or less. nagdadiet na nga ako e. hindi na ako kumakain ng hapunan. basta after 6 o'clock. o kung kakain man ako, chocolate lang o kaya konting ulam o gulay. walang kanin. hindi na rin ako kumakain ng sitsirya o kaya ay umiinom ng softdrinks. minsan na lang sa isang linggo. hindi na rin ako umiinom ng alak (wala rin kasing nagyayaya, haha)
           gusto ko kasing lumiit ang tiyan ko. yung flat. gusto ko kahit umupo, flat. lumaki kasi dahil sa pagiging manginginom ko nung aking high school days. tsaka itinigil ko yung pageexercise ko kasi wala akong oras. tinattamad pagkagising sa umaga, pagod naman pag-uwi sa gabi. at hindi rin kasi regular ang bowel movement ko. as in 1-2 days lang sa isang linggo. gusto ko man uminom ng laxative, wala naman akong oras para magtae ng isang buong araw. hindi ko naman kayang maging anorexic kasi mahal ko pa rin ang pagkain. tsaka OA naman na pag ganun.

           skinny, slim, thin. yun lang naman e.
           oo na ako na ang hindi confident sa katawan. wala akong magawa e. proud naman ako sa katawan ko. may mas prefer nga lang akong itsura ng katawan.

Saturday, August 13, 2011

Mas Poetic Pag Galit


punching walls again and again
my fists are kind of used to it now
seeing bruises on my skin
the pain is so provocative
complaining on just about everything
shitty friends and stressful school work
swearing at each sentence 
my eyes screaming with anger
pushing through every fucking thing
always asking myself each day
“when will this end?”
i want to be happy again.

-galing sa aking tumblr. hehe
----------------------------------------


hindi ko alam kung bakit, pero mas nagiging poetic ako tuwing galit ako o kaya naman ay malungkot. mas nagpapakadeep ako tuwing may mga hindi magandang nangyayari kaysa kapag masaya ang sitwasyon. ewan ko ba. ganun yata talaga e. 

Tuesday, July 26, 2011

Disi-otso

          Noong ika-20 ng Hulyo, 2011 ako ay naging 18 taong gulang na. Legal age ika nga. Pwede na makulong. Sa totoo lang, wala namang espesyal na nangyari. Hindi ako nagkaroon ng special powers, naging kakaibang nilalang o anuman. Sayang. haha.
          Nakaugalian na ng mga Pilipino ang magcelebrate ng Debut tuwing magiging 18 taong gulang ang isang babae. Sweet Sixteen ang counterpart nito sa America. At syempre, hindi ako pahuhuli kaya nagpaparty rin ako. Hindi nga lang tradisyonal na may 18 roses kung saan may 18 na lalakeng magsasayaw sayo isa-isa habang pinapanood ka ng mga bisita mo. Inuman, Sayawan at Kantahan ang nangyari sa party ko. Modern na e. hehe
Photobooth sa aking party. Excited ang lahat. Balik nang balik. 

 Maganda ang regalong ito ngunit hindi naman ako habang-buhay na 18. Pero salamat na rin.

Angry birds na plushie ang regalo ng ilan. ang wirdo dahil aanhin ko naman ang mga ito. Toy Kingdom pa ang balot. Mas gusto ko kasi sa isang regalo ay yung magagamit ko. Pero dahil mabait ako, sige na nga. Buti na lang at hindi lang iyan ang mga regalo. 

          at syempre shot glass ang souvenirs ko!

          Naging masaya naman ang gabi. nakapagenjoy ako kasama ang aking pamilya at mga kaibigan. Sayang lang dahil wala akong boylet. haha!
           Ngayong 18 na ako, marami na akong responsibilidad at ineexpect ng mga tao sa paligid ko na maging mas mature. good luck na lang!
       

Saturday, July 2, 2011

Be Better not Bitter

sa mga nakalipas na araw marami ang naganap. mga pangyayaring hindi ko rin inaasahan at mga damdaming matagal ko nang hindi ulit nararamdaman.
lungkot..

hindi ko pwedeng ipaliwanag. mahirap na. pero nakadama talaga ako ng lungkot. pagkalugmok. yung tipong naka-ilang iyak ka na sa isang linggo. na pinipilit mong hindi maging malungkot at pinipilit mo sa sarili mo na manahimik na lang para hindi na mapag-usapan, kaso maraming bagay ang nakakapag-paalala sayo nito. ngumingiti na lang. masakit. pero lagi kong sinasabi sa sarili ko ang mga gasgas na katagang "move on" dahil kung tutuusin nga naman ay baka naman masyado ko lang dinibdib ang mga pangyayari. apektadong-apektado kasi ako.
at sa katapusan nga ng lahat ng pangyayari, natutuwa din ako dahil naganap iyon. marami akong napagtanto e. kaya eto ako ngayon. nagpapaka-deep. narealize ko na kapag nasaktan ka. wala kang magagawa kundi damdamin ito at maghanap ng kausap. mahirap maging malungkot pero mas maganda namang maramdaman na nalagpasan mo din ang hirap.
nagpapasalamat din ako sa diyos kase at least marami akong natutunan. at sa mga kaibigang ibiniyaya niya sa akin, dahil gumagaan ang loob ko pagkasama ko sila.
at sa nakasakit, marunong naman akong magpatawad at lalong hindi ako galit. lahat ng tao nagkakamali at alam kong hindi mo sinasadya. nagkataon lang na naipon na lahat.
pro-tip: mabisa ang yakap. hindi na kailangan ng mga salita. yakap lang. at siguro konting alak na den. HAHA

unti-unti nang bumabalik ang aking kaligayahan. one step at a time.
PUTANG INA ANG SAKIT

o ayan hindi na :D

Friday, June 24, 2011

Manong Magtataho

walang tigil ang ulan kahapon at ngayon dahil sa bagyong Falcon. kaninang umaga mga alas diyes, habang ako ay nakaharap sa laptop, nakarinig ako ng pamilyar na boses mula sa labas..

"TAHOOOOOO"




bata pa lang kami siya na ang nagbebenta ng taho sa amin. suki kaming magkakaibigan kasi parati kaming nasa labas pag umaga. habang tumatagal at tumatanda na kami, siyempre hindi na kami pala-labas. hindi ko na rin naabutan si manong dahil palagi akong late na kung gumising tuwing weekend at bakasyon. nakakatuwa dahil sa tinagal ng panahon ay andyan pa rin siya. catering to our taho needs! hehe. bilib ako sa kanya, sa walang sawa nyang pagtitinda ng taho at walang sawa nya na pagpunta dito sa subdivision namin. rain or shine, nagbebenta talaga sya ng taho. saludo ako sa effort ni manong at sa mga taong porsigidong magtrabaho kahit delikado ang sitwasyon. sana ay makauwi din sila ng maayos. concerned lang.

ansarap talaga ng taho. lalao na yung mainit-init pa. bukas bibili na talaga ako. ihahanda ko na ang aking barya para hindi na ako kakaripas ng takbo sa kwarto, at tatambay na ako sa gate namin. haha :D

Saturday, June 18, 2011

Group Message

   sa isang araw marami akong natatanggap na group message (GM) sa pamamagitan ng text. kadalasan mga quotes ito na may kasamang maikling update sa bandang huli o kaya naman ay pagbati na naayon sa oras o sa okasyon. maging ako ay ganon. ayos lang naman sa akin iyon. nakaka-aliw pa nga e. minsan nag-a-unlitext lang talaga ako para mag-GM sa mga kasamahan ko. papansin lang. gusto ko lang mabahagi ang mga malulupit kong quotes at banat sa kanila.
   kaya naman wala akong karapatang magalit sa kanila sa puro GM nila. at least pinapadalan ako ng GM diba?
   ang isang kinaiinisan ko lang ay yung isa kong kaibigan.pang isang taon yata ang kanyang unlitext. pano ba naman, araw-araw nag-gi-GM. at ang laman ng kanyang mga group message? mga walang kakwenta-kwentang bagay. kung baga ginagawa nyang twitter ang GM. lahat na lang ng gawin nya at mangyari sa paligid nya ay ibinabalita sa lahat. at palaging naghahanap ng kausap. gaano na kaya kakapal ang kalyo nya sa daliri?
   minsan hindi na lang ako magugulat kung mapapadalan ko sya ng text na nilalaman na "IDGAF wag mo na akong itext! i-flush mo na sa kubeta yang cellphone mo!" hahaha. ang sama ko. pasensya na.

Saturday, June 11, 2011

Katotohanan

hindi yung pagtanggap sa katotohanan na iniwan ka nya ang pinakamasakit. kundi ang pag-aralan ang paglimot sa kanya kahit alam mo sa sarili mo na hindi mo kaya.

Friday, June 3, 2011

Pasukan Na

ilang araw na lang ay balik eskwela nanaman ako. ambilis talaga ng panahon. hindi pa ako handang magpaalam sa bakasyon. lagi akong nabibitin. hindi pa ako handa sa mga bagyong darating, lumusong sa baha, umuwi ng late at haggard, gumising ng maaga, gumawa ng homework, makinig sa professors, magpakaloka sa mga subjects at marami pang iba. pero ganun talaga. alangan naman hindi ako pumasok? edi walang baon, sayang tuition.
siguro ang gusto ko lang talaga sabihin ay..
ayoko pang pumasok. 

Saturday, May 21, 2011

Mayo Abente-Uno

sa TV 5 News ko unang narinig ang balitang may mga grupo ng tao na nagsasabing gugunaw na daw ang mundo sa May 21. natawa lang ako.. hindi ko alam kung saan nila nakuha ang ideya. pero in fairness kumalat agad ito sa buong mundo. tinext siguro sila ni Jesus; "Oi tsong sa May 21 daw gugunaw ang mundo sabi ni erpats" minarkahan na din siguro nila ang kanilang mga kalendaryo at nag-file ng leave of absence sa kani-kanilang mga trabaho. mahusay. imposible naman yatang malaman ang exact date ng apocalypse dahil (1) ikaw ba si lord? at (2) magkakaiba ang mga timezone. may 21 na dito may 20 pa lang sa kabilang part ng mundo.
pero naniniwala ako na meron nga na "End of the World", hindi lang ako sure kung kailan. pero sana wala na ako kapag nangyari nga yun. o kaya ay malaman ko kung kailan man lang ang month or year para may oras ako na makapag-reflect at magawa ko na ang lahat. hehe

oras na para mag-repent.

Thursday, May 19, 2011

Over Acting

naiinis ako sa mga taong OA.
OA tumawa, OA umiyak, OA mag-react.
hindi ako sigurado kung ano talaga ang dahilan kung bakit OA ang isang tao.
ang aking theory ay malamang ito ay isang uri lamang ng pagpapapansin.

hindi ito nakakatuwa. hindi ito cute.

Sunday, May 15, 2011

Minsan...

mas tamang bumitaw ka kapag alam mo na hindi ka pinapahalagahan.

Malay mo sa pagbitaw mo ..

mahulog ka sa tamang pwesto at masalo ng tamang tao

Wednesday, May 11, 2011

Mother's Day Weekend

   noong nakalipas na linggo, May 8 2011 ay ang Mother's Day napagpasiyahan ng aking mahal na ina na kami ay mag-outing sa Bataan. umalis kami ng 4:00 ng umaga ng Sabado at gumayak patungo sa aming desitnasyon. kasama namin ang aming tita at kanyang dalawang anak, lola at si mimi (ang aming asong kyut).
   ang una naming pinuntahan ay ang Mt. Samat sa may Pilar, Bataan. trivia: doon matatagpuan ang Dambana ng Kagitingan (Shrine of Valor) in memory doon sa mga soldiers noong World War 2. Dumaan din doon ang Death March.
may elevator nga pala doon sa loob ng cross para pwede kang umakyat ang tingnan  ang magandang view sa taas. 


   at dahil naiinip na ang aking makulit na pinsan, napagpasiyahan na nga namin na magpunta doon sa La Vista Resort kung saan kami ay may reservations. maganda doon. maraming pool at maraming pwedeng gawin (zip line, boat ride, rapelling, wall climbing) kung baga, hindi lang siya pangkaraniwan na resort. at swerte ang aming lokasyon sapagkat kakaunti lamang ang taong nandoon. halos private pool na ang dating. 


   umalis kami doon ng mga 12 pm kinabukasan (laban ni Manny Pacquiao, nanalo siya YEHEY!). umuulan pa nga e dahil sa bagyong Bebeng. mabilis lang ang biyahe dahil malapit lang naman ang Bataan. nagsaya ako ng bongga, kahit kami-kami lang ang magkakasama. at sa palagay ko, nagsaya din naman sila. sadyang napakaganda nga naman ng Bataan. ako'y nag-lulook forward para sa aming susunod na lakbay.  Happy Mother's Day sa aking pinakamahusay at minamahal na Ina!

(ako nga pala ang kumuha ng mga litrato, maliban na lang kung ako mismo ang nandoon. malamang iba na ang kumukuha. hindi ko maipaliwanag kung bakit pumangit ang quality. tsk)